Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa 2019

KAPIT

Saan man hahantong itong gabing tigib Sa lunday ng pag-asa'y may nawaksing ligalig Kulay na mistulang napagtantong magpapalit, Ay kulay na ayoko nang gamiting pang paulit-ulit. Kung ang buhay ay sadya ngang kumakalmang parang dibdib Sa puso ko'y tumitibok ang gitarang walang awit Hahaplusin ang sandatang kahit sumusukong pilit, Patuloy lang na lalaban kahit walang hanggang sakit. Lilipas nga ang tag-araw at darating ang tag-ulan Bawat patak ay sadali ng hahawaning karimlan Bangka man kung maagos ay madaling magdaratal Kahit gabi ay sasapit ang umagang marangal. Lalakas, maghihina, lalaban, at susuko, Ang pag-asa'y hinihilang papalapit, papalayo, Kumakalma nga ang dibdib ngunit hindi ang puso, Naghihilom man ang sugat, sa loob ay nagdurugo. Kahit nga ang bato, anong tigas man ang hambing,  Maaagnas, madudurog sa patak ng kulimlim, Matibay man ang punong binaon nang malalim, May pag-asang humandusay sa bagyong darating. ...

LARO

(Piyesang nagwagi sa isang patimpalak ng talumpati sa anyong panulaan) Isang araw noon, ako’y  ginulantang Nang isang balitang ‘di ko inaasahan Ang lugar kung saan ako nananahan Binulabog ng isang malagim na digmaan Ramdam ko ang takot sa kinatatayuan ko At wari ang lahat,sa isip ko’y gulong-gulo May takot na  baka ang mahal na ina ko Biktima ng karahasang nangyari sa nayon ko Pinilit kong akoy magtungo sa amin Upang aking malaman ang sinapit nya mandin Garalgal kong iginayak, ang lahat sa akin Upang aking malunasan ang kaba sa damdamin Tatlong hakbang  na lang mula sa’king kinatatayuan At sasapitin ko na ang bukas naming pintuan Subalit sa paglapit ay aking nasilayan Ang Ina kong malamig na, ang buong katawan Inay!gumising ka,anong nangyari sayo Sinong gumawa nito,saken ay sabihin mo Di ba sabi mo sakin masaya ka pagbalik ko Pero bakit kay lungkot iniwan mo na ako Anong dahilan nila bakit kayo pinatay Sa dinami-rami ng tao, kayo pa ang idinama...

Magkasamang Muli

Magkasamang Muli kinathang tula para sa Iyo, Sr. Florence, OSB Hindi sinasadyang ang araw ay dumating, Na ikaw ay ibigay at aking makapiling, Isang mukha ng saya at puspos ng kabaitan Ang lumunas sa aking matinding kalungkutan Sayo ko natutuhan ang magbigay- halaga Sa aking paglilingkod sa ating Diyos Ama Sayo ko natutuhan ang mapayapang pagngiti Na noo’y ang puso ko’y puno ng paghikbi Ngayo’y isang taon at ikaw ay lilisan Tila anong bilis ng taong nagdaan Mga matang bago pa lang natutuyo sa pighati Nalulungkot, lumuluha’t ngumigiti sa paghikbi Kunwari ang damdamin ko’y puno ng pagtanggap Sa isang sulok nand’on ako at kusang umiiyak Tumataghoy ang puso ko, nililingkis pa ng hirap Tinatawag ka ng isip ,ika’y laging hinahanap Sinisilip ko sa gabi ang mga kislap ng bituin Naghihintay na may mahulog, upang ako’y makahiling Dagdagan pa ang masasayang mga araw natin Nang minsang kapiling ka sa saliw ng awitin.. Sa aking pagtunghay sa lilim ng umaga Ang paglis...

Sa Tangkay ng Kapalaran

Masaya ang paligid sa atin tuwina Ang lahat ng tao ay nahahalina Sa simoy ng hangin na nagpapatamis Sa ating dalawang puno ng pag-ibig Wala nang paglagyan ang ating kasiyahan Napuno ng labis  na sarap sa pakiramdam Hindi na alintana ang ulan na darating Na sa liwanag ay siyang babalot ng dilim Kaya sa ‘di inaasahan sila ay sinubok Ang ula’y sinamahan ng kidlat at kulog Kaya ang pag-ibig sa labis na takot Pinulot na lamang sa madilim na sulok Ang panahon ay madali kung ating titingnan walang pwedeng magpatigil sa kamay ng orasan ang ginhawa ng ligaya na dati mong naramdaman parang dahong nalalaglag sa tangkay ng kapalaran.

“ Pagmulat sa Panitikan”

Mula sa mga Ninuno na naging malikhain Iba’t ibang akda, pamana sa atin, Tula, epiko, dula, maikling kwento at salawikain Ilan lamang sa nabibilang sa “PANITIKAN” kung tawagin Panitika’y yaman nitong minamahal nating Bayan Nagpamulat, nagbigay-aral, naging sandata sa kaapihan, Bumago sa maling kaisipan, humubog sa katauhan, Humanap ng katarungan at nagbigay ng Kalayaan Ito palang Panitika’y kayraming pagpapakahulugan Mga bantog na manunulat, ideya nila ay inilaan Sabi nga ni Arogante “ito’y talaan ng buhay” Dahil dito naisisiwalat ang karanasan nitong buhay. Sabi rin ni Salazar, “ang Panitika’y siyang lakas Sa alinmang uri ng lipunan,  nagpapakilos, nagpapamalas” Kay Webster, “ito’y lipon ng akdang nasusulat Makikilala sa pamamagitan ng malikhaing pagpapahayag. Itong ating Panitika’y mauuri sa dalawa Una’y sa paraan ng pananaliksik at sa anyo ang pangalawa, Pasalin-dila o pasulat, kung sa paraan ng pagsasalin, Tuluyan o patula naman, kung sa anyo tutukuyin....

Ang Sining ng Pagtula

Kayraming manunulat sa tula ay nagturan Upang bawat tao sila ay malinawan Subalit sa kabila ng kanilang binitawan Silay bigo pa rin sa mga batayan At halos lahat ng kanilang mga pagpapakahulugan Ay naaayon lamang sa kanilang kaisipan Kaisipang kung paano naging makabuluhan, Nadama at nalikha itong akdang pampanitikan Ayon kay Balmaceda, ang tula’y isang kaisipan Naglalarawan sa ganda, kariktan, at kadakilaan Tatlong bagay na kailangang ito ay mapagtuunan Upang pagtawag sa tula’y maangkin ang karapatan Ang pagtula’y sinasabing isa ring panggagagad Sa pagguhit ,paglililok at pagtatanghal ay nakakatulad Kasangkapa’y mga salitang siyang magiging alagad Sa kabilang daigdig na ang buhay ay sariling pangarap. Ayon pa sa nagturan, ang tula ay panawagan Ng puso at damdaming nakakubli sa karimlan At tanging ang tula ang may kakayahan Na makapagpahayag ng mga nilalaman Walang katapusang pagbibigay ng mga katuturan Sa sinumang nakadarama nitong kagandahan Sa pagkakadib...

Ang Tradisyong Pabigkas

Bago pa man dumating ang mga Kastila Yaman ng Panitika’y taglay na nitong bansa Isa nga sa kayamana’y tinatawag na tula May sa anyong pasulat at pasalin-dila Ating bibigyang-pansin ay isang anyo lamang Sa paghahasik ng karunungan, ito ang unang paraan Dahil ang lapis at papel noong nakaraan Ay hindi pa kilala sa balat ng lipunan Kilala nga itong bansa  sa pagkakaroon ng mga makata Na kung saan kahit musmos ay marunong tumula Dahil sa mga Ninuno na siyang humubog at humasa Kung kaya’y produkto ngayon,hindi mabilang na mga akda Itong tradisyong pabigkas nakilala sa kapuluan Sa unang Tulang Tagalog, noong kapanahunan Nahati nga ito sa dalawang katawagan At ito ay patugma at kantahing-bayan. Binubuo ng dalawa  o apat na taludtod Magkaminsan ay may sukat ang dulo’y magkasintunog At ito’y inihalintulad sa mga kasabihan Tinatawag nga sa wikang Ingles na, “Mother Goose Rhymes” Sa paglilibang ng mga paslit sinasabing ito’y nag-ugat Mga salitang tugma-tugma n...

Ang Propesiya

Noo’y halos ‘di na ako makahinga/ sa labis na pagkapagod, Nang lakad-takbo kong sinundan/ ang bumabagsak na bulalakaw Wari’y alam n’yang ako’y/ sa kanya’y sumusunod Kung kaya’t sa kalangitan/ ay agad siyang pumanaw Halos ang mga mata ko noo’y/ nagbabanta ng lumuha At ang pag-asa sa sarili’y/ unti-unti ng naglalaho Bumalik na lamang ako /sa pinanggalingan kong lupa At doon ko idinaos/ ang aking paninibugho Subalit ako ay nabagot/ kung kaya’t muli akong umalis At tinungo ko ang lugar/ na lunas sa kalungkutan Dala ko ang isang boteng/ sa katawan koy siyang langis Ang unang tikim ang hahagot/ sa malamig kong lalamunan At ako’y nakarating/ sa gilid ng dalampasigan Doon ang aking nakaraa’y/ mag-isa kong sinilip Sa nawala kong pag-asa,/ sa labis kong panghihinayang Ginamot ng isang boteng/ sa akin ay nagpaidlip Nahimbing ako sa pagkakatulog/ sa mapipinong buhangin Sa nanghahabol na takipsilim,/ hinayaan kong ako’y abutan Ang daigdig ng pangarap/ ay aking narating Nilak...

Huling Taghoy sa Pintuan ng Langit

Huling Taghoy sa Pintuan ng Langit ( Entri sa Talaang Ginto 2018 ng Komisyon ng Wikang Filipino) Nang ako’y magsimulang imulat ang mga mata Napansin ko ang paligid kung pa’nong nagdurusa Umiiyak itong langit na parang isang ina Tumataghoy at ang dibdib, ‘di mabilang ang kaba. Di mawaglit sa isip ko ang bundok ng basura, Mangingisdang tuwing gabi, ang dala’y dinamita Malalanghap mo ang usok na galing sa pabrika Magtungo ka sa gubat, sariwang hangi’y wala na. Nas’an ang namumunga at mayayabong na puno Na hinahapunan ng ibong nagmula sa hulô? Nasaan ang matinis na huni ng mga kuliglig Na nagbibigay-saya sa mapanglaw na paligid? Tingnan mo ang buhay sa kataas-taasang  langit Ang bughaw nitong ulap ay isang gabing pasakit Lumuluha ‘pagka minsan ang tuwa’y nag-iinit Hindi malaman ang damdaming uhaw sa pag-ibig. Bakit itong mundo sa pagbabago’y humaharap Umusbong itong techie’t ekonomiya’y umunlad Ihuhulog pa ba itong liham na  isinulat Kung nalalaman mo na n...

Paraluman

Tila bituin ka sa langit sa iyong kagandahan Ang maamo mong mukha’y bumibihag ng sinuman Pinapangarap na ika’y maihatid sa simbahan Upang sa hirap at ginhawa’y magsasama kaylanpaman. Humihimig yaong hangin kapag ika’y nagdaraan Habang ang puso ko nama’y naglalakbay sa karimlan O, aking minimithi  at pinaparaluman Kailan  ikaw magiging akin, kailan kita makakamtan Ika’y Maria Clara ng buhay ko habang ako’y nabubuhay Hindi kita ipagpapalit sa ibang mga kamay Papasanin ko ang daigdig kung iyong kahilingan Kahit agawin ko ang kawit na hawak ni Kamatayan. Ang puso mo’y hindi bato, para hindi ako mahalin Alam kong sa akin ay mayroon ka ring pagtingin Sa  aliw-iw ng iyong plutang tinutugtog sa dilim Ang mensahe’y gusto mo rin akong makapiling.

SI MS. J KO

Pebrero 4 noon nang una kang masilayan Sa ikalawang palapag ng ating paaralan Ang tamis ng iyong ngiti ang una kong natagpuan Na siya ring nagpabago ng aking pakiramdam Noo’y nagtataka ako sa aking sarili Kung bakit ‘pag ‘di ka nakita, hindi ako mapakali Lagi kang hinahanap sa kung saan-saan Mapagod man ako basta’t makita ka lamang Dumating ang araw na nakausap kita sinabi ko lahat ang aking nadarama Hanggang sa ‘di ko mapigilang mabanggit ko na “gustong- gusto kita, mahal na yata kita” Subalit naging madali ang araw na iyon Sa isang pagtatapat na walang pagkakataon Ang babaeng mahal ko at gustong makasama May nagmamahal na sa kanya, may mahal na s’yang iba Tumigil ang oras para sa akin nang gabing iyon Na para bang hiniling kong wala na sanang kahapon Nilunod ako ng luha sa silid kong nakapinid Dinamdam ko ang kalungkutang hindi ko man lang naisip Naging mahaba noon ang buo kong magdamag Na para bang isang araw ang naging isang oras Tahimik man ang gabi su...

MAKAHIYA

Bulaklak n’yang tila kaygandang pagmasdan Kayraming naaakit , kayraming nalilinlang Sa babaeng natukso na siya ay hawakan Ang dugo sa palad, dadaloy dahan-dahan Kunwari’y marikit at mabango ang amoy Sa kulay n’yang lilang, bulaklak sa kabaong Ang iyak ng babaeng sa harap ng patay Kalungkuta’y dala ng taglay n’yang kulay Kung ika’y mabilis lumakad sa gubat Sana sa lalakaran ikaw ay mag-ingat Baka hindi mo mamalayan ang kampon ng bulaklak Matusok ka sa talampaka’t mag-iwan ng sugat Siya ay sinadyang likhain ng Diyos Upang harapin ang kapalaran sa lupain ng mundo Sa kabutihan n’yang tila walang makakita Ang tingin ng tao’y, kasamaan ang dala Isa lamang siya sa tinalikuran ng LAHI Na ipinagkait ang kaligayahang sa mundo’y mamalagi Sa sinumang magpasyang sa dahon n’ya ay sumanggi Ang dahon n’ya’y mahihiya at kusang yuyupi Sa Batas nitong Buhay, sana lahat ay patas Ang sinumang nasa baba, nawa sana’y mapaitaas Sukdulan man ang kasamaan ng kahit sinong nilalang S...

Sa Mata Makikita ang aking Damdamin

Marami mang pagsubok ang sa atin ay darating Alam kong lahat ito'y makakaya natin Sa mga matang pumugto dahil sa patak ng luha Ang lungkot ay may kapalit na gintong ginhawa. Minsan ang samahan ay talagang susubukin Susugatan ang puso't may hapdi ang damdamin Ang galak na kay liwanag ay biglang magdidilim At ang hugis sa mga labi ay ngingiting matalim. Parang tuyong dahon na nalalaglag sa uhaw na lupa Ang pag-ibig na minsang hinawakan nang kusa Ngunit kung ang pagkakamali ay handang itama Mabubuhay ang pag-ibig sa nabalikong tadhana. Magmahalan kayo na parang magkakapatid Nagtutulungan sa isa't isa kahit walang kapalit Ang tunay na pamilyang nagbubuklod sa pag-ibig Ay ang pamilyang bukas-palad na nagmamalasakit. Ibahagi ninyo ang ngiti nang lubos-lubusan Na lunas sa 'di mahilom na sugat ng nakaraan Hanapin ang sagot sa mga tanong ng isipan At pairalin ang pusong may damdaming nagmamahal. Ako'y isang amang umiibig sa'king mga supling Masaktan ...

Babang-luksa

( tula sa babang- luksa ng mahal na kambal Raymond) Ngayo'y isang taon nang iyong paglisan, tila anong bilis ng taong nagdaan, mga matang bago pa lang natutuyo sa pighati, lumuluha, naaawa,ngumingi ti sa paghikbi. kunwari'y damdamin ay puno ng pagtanggap, sa sulok nand'on ako at kusang umiiyak, tumataghoy ang puso ko,nililingkis pa ng hirap tinatawag ka ng isip, ika'y laging hinahanap. Sinisilip sa gabi na ako ay dalawin, balikan ang masasayang mga araw natin. Lunasan ang sugat,ang hapdi at sakit. Nang minsang kasama ka sa'king panaginip. sa aking pagtunghay sa lilim ng umaga, ang pagkawala mo lagi ang aking naaalala. Binibidbid ng pagluha ang silahis ng araw, papawiring maliwanag, dumidilim kung matanaw. sa hamog ng mga damong kumikimkim ng lamig, ramdam kong lumulumbay ang gabing taglamig, sana sa muli na ikaw ay magbalik. Akbayan mo ako sa ating pag-uwi. ;(

Hanggang Wakas

Hanggang Wakas Natatanging tula sa Pag-iisang-Dibdib ni Ma'am Madz at Limuel Katulad ng isang maningning na bituin Ang aking namalas sa iyong pagdating Sa puti mong kulay ay mistulang anghel Na taglay ang ngiti na walang kahambing. Bango ng mga bulaklak sa iyo'y masasamyo Tanda ng pag-ibig at wagas na pagsuyo Puso'y humihimig at 'di humihinto Hanggang tayong dalawa'y maging isang buo. Sa piling ng iyong malawig na pakpak Ako'y nilulukob ng walang hanggang galak Pag-ibig na anaki'y malambot na ulap Ay nasisinagan ng araw na matimyas. Wala nang paglagyan ang ating pag-ibig Umaapaw sa ligaya ang buong daigdig Saliw ng musikang sa ati'y humihimig Sadyang hanggang wakas, tayo'y hanggang langit. Ang sumpaan nating dalawa kailanma'y 'di mapapatid Bawat araw ay sisilay at may bituin na sisilip Ang tunay na pagmamahal kahit 'di sa panaginip Mamamatay akong ikaw ang laman ng aking dibdib. Congratulations! and Best Wishe...

Hamon ng Buhay

Hamon ng Buhay Richard Layron Silva Mapanglaw ang mga mata habang  nakatingin Sa bughaw ng kalangitang walang bakas ng kulimlim  Ligaya ng mga ibong lumilipad sa papawirin ay ‘di tulad ng pusong may pighating kumikitil. Ang pagsilay ng umaga pagkaminsa’y  nakapinid May silahis ang araw na kusa ring lumilihis Ang tamis sa mga labi’y unti-unting pumapait At ang tuwa ng pag-asa ay may luhang kapalit. Dumarating sa buhay ang bagyo ng tadhana Kalakasan ng nilalang ay sandaling manghihina Panalangin ang  lulunas at magpapapayapa Sa mundong ang pasanin ay maling akala. Bawat pagsubok ng buhay ay may hangganan Bawat simula ng hinagpis ay may wakas na kaligayahan Kailanman ay hindi  mga parusang nakalaan, Kundi hamon  sa kamay ng Diyos na lumalang. Sa bawat paglubog ng araw sa gawing Kanluran Ay may bagong pagsikat sa dakong Silangan Ang gabi ng pagsubok ay panahong magdaraan At ang bukas ay bagong ginhawang makakamtan.