Bago pa man dumating ang mga Kastila
Yaman ng Panitika’y taglay na nitong bansa
Isa nga sa kayamana’y tinatawag na tula
May sa anyong pasulat at pasalin-dila
Ating bibigyang-pansin ay isang anyo lamang
Sa paghahasik ng karunungan, ito ang unang paraan
Dahil ang lapis at papel noong nakaraan
Ay hindi pa kilala sa balat ng lipunan
Kilala nga itong bansa sa pagkakaroon ng mga makata
Na kung saan kahit musmos ay marunong tumula
Dahil sa mga Ninuno na siyang humubog at humasa
Kung kaya’y produkto ngayon,hindi mabilang na mga akda
Itong tradisyong pabigkas nakilala sa kapuluan
Sa unang Tulang Tagalog, noong kapanahunan
Nahati nga ito sa dalawang katawagan
At ito ay patugma at kantahing-bayan.
Binubuo ng dalawa o apat na taludtod
Magkaminsan ay may sukat ang dulo’y magkasintunog
At ito’y inihalintulad sa mga kasabihan
Tinatawag nga sa wikang Ingles na, “Mother Goose Rhymes”
Sa paglilibang ng mga paslit sinasabing ito’y nag-ugat
Mga salitang tugma-tugma na kanilang nabibigkas
Wala man itong kahulugan, sa talinhaga ay salat
Sa mga utal na bata, sa dila’y siyang nagpaunat.
Isa, dalawa, tatlo,
Ang tatay mong kalbo
Umakyat sa mabolo ,
Inabutan ng bagyo.
Isa iyang halimbawa ng tugmang pambata
Malamang alam ninyo’t ang nanay n’yo ang nagwika
Wala man itong kahulugan pero sa bibig ay naghasa
Upang iyong maituwid mabigkas ang tamang salita.
Sa katutubo nagmula ito namang kantahing-bayan
Nakilala sa mga pook, nayon at mga kabayanan
Subalit ang mga ito ay agad napalitan,
Nang nakilala ang “song hits” dito sa bagong lipunan.
Maririnig ang mga awit sa mga pagdiriwang o pag-aalay
Tulad sa pag-iisang dibdib, pagtatanim o paglalamay
May tugma rin at sukat itong tinataglay
May tono at himig upang maging awit na tunay.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento