Lumaktaw sa pangunahing content

Huling Taghoy sa Pintuan ng Langit

Huling Taghoy sa Pintuan ng Langit
( Entri sa Talaang Ginto 2018 ng Komisyon ng Wikang Filipino)

Nang ako’y magsimulang imulat ang mga mata
Napansin ko ang paligid kung pa’nong nagdurusa
Umiiyak itong langit na parang isang ina
Tumataghoy at ang dibdib, ‘di mabilang ang kaba.

Di mawaglit sa isip ko ang bundok ng basura,
Mangingisdang tuwing gabi, ang dala’y dinamita
Malalanghap mo ang usok na galing sa pabrika
Magtungo ka sa gubat, sariwang hangi’y wala na.
Nas’an ang namumunga at mayayabong na puno
Na hinahapunan ng ibong nagmula sa hulô?
Nasaan ang matinis na huni ng mga kuliglig
Na nagbibigay-saya sa mapanglaw na paligid?

Tingnan mo ang buhay sa kataas-taasang  langit
Ang bughaw nitong ulap ay isang gabing pasakit
Lumuluha ‘pagka minsan ang tuwa’y nag-iinit
Hindi malaman ang damdaming uhaw sa pag-ibig.

Bakit itong mundo sa pagbabago’y humaharap
Umusbong itong techie’t ekonomiya’y umunlad
Ihuhulog pa ba itong liham na  isinulat
Kung nalalaman mo na ngayon ang reply at text back?

Dati ang alam ko lang ay luksong-tinik at pikô
Na pagsapit ng hapon ay masayang nilalaro
At kapag ang katawan ay napagod na nang husto
Sa malamig na sapa’y doon kami naliligo.

Ngunit masdan ninyo ngayon ang mga kabataan
Sa kultura ng banyaga’y kayraming nalalaman
Sila ba ang mag-iingat ng perlas nitong bayan?
Kung ngayo’y di kaya nila itong pahalagahan?

Dinggin ang wika nila’t ‘hindi wikang minimithi
Ang tunog ng salita’y hilahil ng ating lipi
Sa isang tulak ng bibig ang dulot ay pighati
Damdamin ng Inang Baya’y tulad ng pusong sawi.




Humikbi ang puso ko’t napatingin sa kawalan
At wari doo’y iniisip ang kinabukasan
Hinahangad kong kahit sa bituing kumikinang
Ang hiling ko’y magkaroon ng isang katuparan.

Sa paghaplos ko sa mga dahong natuyo’t naluoy
Naramdaman ko ang kanilang masidhing panaghoy
Ang mga ugat nilang kumagat sa tigang na lupa
Ay walang masipsip kundi patak ng luha.

At aking ngang diniligan nang lambing ng pagsuyo
Ang halaman na nagkulang sa ligaya ng puso
Mistulang birhen ang damdamin na naninibugho
Sa napabayaang nilalang ng Poong saklolo.

Ang bulaklak kung samyuin ay wala na ngang bango
Tila ang kanyang ganda’y sinasaniban ng tukso
Nagtatago sa mapulang apoy sa impiyerno
Upang bumihag ng isang lalaking maginoo.




Pagkat hangad ay magkar’on ng biyayang  salapi
Kahit dangal ay ubusin sa luha at pighati
Kumakapit sa patalim, buhay ay isusukli
Upang hindi na kumalam ang tiyang humihikbi.

Umaagos ang panaho’t lumalayo ang oras
Nagtatago sa dilim pilit ngayong tumatakas
Naghahanap ng kaanib na susunod sa landas
Kung saan ang matuwid ay lilikong parang ahas.

Hahanapin ang dugo na kaniyang iinumin
At ang sariwang mga laman ang magiging pagkain
Katulad ng isang lamok na kung gabing madilim
Taksil siyang aaligid sa taong nahihimbing.

Humiwalay na nga ang kaluluwa sa katawan
At ang dugo ay dumanak sa katreng hinigaan
Katawan ay namanhid at wala nang maramdaman
Tanging paglalakbay na lang sa mundo ng kawalan.




Binantayan ng kandila ang bangkay na malamig
At palibot ng mga rosas ang kabaong na pinid
Sa ibabaw ay naroon ang sisiw na kumakahig
Kumakaykay ng ‘sang butil ng katarungang nais.

Bakit nga ba ang hirap tanggapin sa’ting lipunan
Na nasasangkot sa mali ang taong walang alam?
Bakit ang mat’wid ay tila baliko’t isang hadlang
At palaging buhay ang magiging kabayaran?

Nakaaawa ang buhay sa naging pagbabago
Kahit ang walang puwang parang Poong Jesu-Cristo
Nag-aalay ng buhay at nagsasakripisyo
Sa kasalanan na ginawa ng ibang mga tao.

Kung ang puso ay tulad ng isang batong matigas
Kahit tapakan ang bato’y lalaging malakas
Ang sino man na magnais na kumalaban sa pantas
Hihintaying ang katawa’y sa lupa na maagnas.




Walang takot na ang iba ay pamimilansikin
Kung ang ugali’y taliwas sa masidhing hangarin
Lalabanan ang sino mang kakagat sa patalim
Kahit banal sa lupa ay hindi patatawarin.

Malulugmok ang lahat sa ligayang walang ngiti
Kusa na lang nalalaglag ang luhang ikinubli
Sampung utos ng aklat, sampung beses na pag-ikli
Babawiin ang buhay sa oras na ‘di pinili.

Doon sa aming tahanang nilingkis ng sakim
Ay kumalat ang dugo ng bayani at alipin
Magkaibang paniniwala ng Kristyano’t Muslim
Pinag-isa sa Marawing tinaniman ng lagim.

Bawat dugong tumatagas sa balat ng bayani
Tumatapang ang katwiran, lumalaban ang sawi
Tumitingkad ang kulay ng asul, pula, at puti
Sumisinag ang araw at bituing kinandili.




Saan ko kaya makikita ang kapayapaan
Na magtataglay ng hangin na sinlamig ng bangkay
Matagpuan ko pa kaya ang ngiting lubos-dangal,
Ang ginhawa, pag-ibig, pag-asa at ang tagumpay?

Anong buhay ang haharapin ng ating mga anak?
Kung ang ngayo’y ‘di tulad ng bulaklaking pangarap
Pa’no natin babaguhin ang mundong nasasadlak?
Kung ang kamay nating ganid ,ang may sala ng lahat.

Ang araw ay papalubog at sisilay ang buwan
Mga mata ko’y may luha dahil sa aking namasdan
Naisip ko baka sa pag-idlip ko matagpuan
Ang ganda ng paligid na gusto kong masilayan.

Kapwa nga mga mata ko’y nakaramdam na ng antok
Sa daa’y inihimlay ang katawan kong napagod
Yakap ko’y isang sakong panganib at pagdarahop
At tuluyang mga mata’y ipinikit na nang lubos.

-wakas-


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Sining ng Pagtula

Kayraming manunulat sa tula ay nagturan Upang bawat tao sila ay malinawan Subalit sa kabila ng kanilang binitawan Silay bigo pa rin sa mga batayan At halos lahat ng kanilang mga pagpapakahulugan Ay naaayon lamang sa kanilang kaisipan Kaisipang kung paano naging makabuluhan, Nadama at nalikha itong akdang pampanitikan Ayon kay Balmaceda, ang tula’y isang kaisipan Naglalarawan sa ganda, kariktan, at kadakilaan Tatlong bagay na kailangang ito ay mapagtuunan Upang pagtawag sa tula’y maangkin ang karapatan Ang pagtula’y sinasabing isa ring panggagagad Sa pagguhit ,paglililok at pagtatanghal ay nakakatulad Kasangkapa’y mga salitang siyang magiging alagad Sa kabilang daigdig na ang buhay ay sariling pangarap. Ayon pa sa nagturan, ang tula ay panawagan Ng puso at damdaming nakakubli sa karimlan At tanging ang tula ang may kakayahan Na makapagpahayag ng mga nilalaman Walang katapusang pagbibigay ng mga katuturan Sa sinumang nakadarama nitong kagandahan Sa pagkakadib...

Ang Tradisyong Pabigkas

Bago pa man dumating ang mga Kastila Yaman ng Panitika’y taglay na nitong bansa Isa nga sa kayamana’y tinatawag na tula May sa anyong pasulat at pasalin-dila Ating bibigyang-pansin ay isang anyo lamang Sa paghahasik ng karunungan, ito ang unang paraan Dahil ang lapis at papel noong nakaraan Ay hindi pa kilala sa balat ng lipunan Kilala nga itong bansa  sa pagkakaroon ng mga makata Na kung saan kahit musmos ay marunong tumula Dahil sa mga Ninuno na siyang humubog at humasa Kung kaya’y produkto ngayon,hindi mabilang na mga akda Itong tradisyong pabigkas nakilala sa kapuluan Sa unang Tulang Tagalog, noong kapanahunan Nahati nga ito sa dalawang katawagan At ito ay patugma at kantahing-bayan. Binubuo ng dalawa  o apat na taludtod Magkaminsan ay may sukat ang dulo’y magkasintunog At ito’y inihalintulad sa mga kasabihan Tinatawag nga sa wikang Ingles na, “Mother Goose Rhymes” Sa paglilibang ng mga paslit sinasabing ito’y nag-ugat Mga salitang tugma-tugma n...

LARO

(Piyesang nagwagi sa isang patimpalak ng talumpati sa anyong panulaan) Isang araw noon, ako’y  ginulantang Nang isang balitang ‘di ko inaasahan Ang lugar kung saan ako nananahan Binulabog ng isang malagim na digmaan Ramdam ko ang takot sa kinatatayuan ko At wari ang lahat,sa isip ko’y gulong-gulo May takot na  baka ang mahal na ina ko Biktima ng karahasang nangyari sa nayon ko Pinilit kong akoy magtungo sa amin Upang aking malaman ang sinapit nya mandin Garalgal kong iginayak, ang lahat sa akin Upang aking malunasan ang kaba sa damdamin Tatlong hakbang  na lang mula sa’king kinatatayuan At sasapitin ko na ang bukas naming pintuan Subalit sa paglapit ay aking nasilayan Ang Ina kong malamig na, ang buong katawan Inay!gumising ka,anong nangyari sayo Sinong gumawa nito,saken ay sabihin mo Di ba sabi mo sakin masaya ka pagbalik ko Pero bakit kay lungkot iniwan mo na ako Anong dahilan nila bakit kayo pinatay Sa dinami-rami ng tao, kayo pa ang idinama...