Mula sa mga Ninuno na naging malikhain
Iba’t ibang akda, pamana sa atin,
Tula, epiko, dula, maikling kwento at salawikain
Ilan lamang sa nabibilang sa “PANITIKAN” kung tawagin
Panitika’y yaman nitong minamahal nating Bayan
Nagpamulat, nagbigay-aral, naging sandata sa kaapihan,
Bumago sa maling kaisipan, humubog sa katauhan,
Humanap ng katarungan at nagbigay ng Kalayaan
Ito palang Panitika’y kayraming pagpapakahulugan
Mga bantog na manunulat, ideya nila ay inilaan
Sabi nga ni Arogante “ito’y talaan ng buhay”
Dahil dito naisisiwalat ang karanasan nitong buhay.
Sabi rin ni Salazar, “ang Panitika’y siyang lakas
Sa alinmang uri ng lipunan, nagpapakilos, nagpapamalas”
Kay Webster, “ito’y lipon ng akdang nasusulat
Makikilala sa pamamagitan ng malikhaing pagpapahayag.
Itong ating Panitika’y mauuri sa dalawa
Una’y sa paraan ng pananaliksik at sa anyo ang pangalawa,
Pasalin-dila o pasulat, kung sa paraan ng pagsasalin,
Tuluyan o patula naman, kung sa anyo tutukuyin.
Marami ring mga akda na nasa ilalim ng tuluyan
Minsa’y ating binabasa kapag ating nagustuhan
May nobela, maikling kwento, dula, alamat, sanaysay,
Anekdota, talumpati, pabula at talambuhay.
Inuri naman sa apat, itong akdang patula
Ang patnigan, pasalaysay, pandamdami’t padula
At sa bawat uring ito’y may halimbawang mga akda
Na patuloy umiiral saan mang panig ng bansa
Sa tulang pasalaysay--epiko, awit at kurido
Sa pandamdamin--awiting-bayan, dalit, elehiya at soneto
Sa tulang patnigan--karagatan, ensilada at duplo
At sa padula mga tulang isinasadula sa entablado
May malaking impluwensya ang panitikan sa mundo
Sa tradisyon, kultura,paniniwala ng tao
Gayundin ang pamumuhay at kanyang kabihasnan
Matutukoy ilang akda, magtungo ka kahit saan.
Ilan nga sa halimbawa ay ang Banal na Kasulatan
Pananampalatayang Kristiyano, ito ang naging batayan
Ang bibliya sa Arabya ng mga kaibigang Muslim
Kilala sa Koran kung ito’y tawagin.
Kasaysayan ng pananampalataya ng mga tao sa Indiya
Nasa pinakamahabang epikong ang tawag ay Mahabharata
Naglalarawan sa pananampalataya at ugali ng Ingles
Mababasa sa akda ni Chaucer may pamagat, Canterburry Tales.
Nagpamulat sa Amerikano sa kaapihan ng mga lahing itim
Sinulat ni Harriet Beecher Stowe, ang titulo, Uncle Tom’s Cabin
Pagpapahayag ng moralidad at pananampalataya ng Italyano
Sa akda ni Dante na Divina Comedia mababasa mo ito.
Ilan lamang ang mga ito, na kilala sa buong mundo
Nagbibigay ng mga aral sa bawat makababasa nito
Patunay na kailaman man itong ating Panitikan
Ay hindi malilibing sa panahong nakaraan
Tunay na anong yaman nitong ating Panitikan
Sa malikhaing pag-iisip, patuloy na nadaragdagan
Nagbibigay ng kaalaman na kapupulutan ng aral
Madadala kahit saan, magagamit na pangaral
Napakahalagang pag-aralan itong ating Panitikan
Dito’y lubos na makikilala ang sarilng kinagisnan
Mababatid din natin ang karangala’t kadakilaan
Maging kalakasa’t kahinaan ng ating lahing pinagmulan
Ngayo’y hindi lang nililinang itong ating kaisipan
Bagkus lumilikha ito ng matayog na kaalaman
Kung hindi dahil sa inyo mga ninunong minamahal
Kami, sa ibabaw ng mundo, mamatay nang walang dangal.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento