Lumaktaw sa pangunahing content

Ang Sining ng Pagtula



Kayraming manunulat sa tula ay nagturan
Upang bawat tao sila ay malinawan
Subalit sa kabila ng kanilang binitawan
Silay bigo pa rin sa mga batayan

At halos lahat ng kanilang mga pagpapakahulugan
Ay naaayon lamang sa kanilang kaisipan
Kaisipang kung paano naging makabuluhan,
Nadama at nalikha itong akdang pampanitikan

Ayon kay Balmaceda, ang tula’y isang kaisipan
Naglalarawan sa ganda, kariktan, at kadakilaan
Tatlong bagay na kailangang ito ay mapagtuunan
Upang pagtawag sa tula’y maangkin ang karapatan

Ang pagtula’y sinasabing isa ring panggagagad
Sa pagguhit ,paglililok at pagtatanghal ay nakakatulad
Kasangkapa’y mga salitang siyang magiging alagad
Sa kabilang daigdig na ang buhay ay sariling pangarap.

Ayon pa sa nagturan, ang tula ay panawagan
Ng puso at damdaming nakakubli sa karimlan
At tanging ang tula ang may kakayahan
Na makapagpahayag ng mga nilalaman

Walang katapusang pagbibigay ng mga katuturan
Sa sinumang nakadarama nitong kagandahan
Sa pagkakadibuho ng salita’t pagkilala sa kadalisayan
Hindi maaring tapusin dahil lang sa kapaguran.

Ang tula ay wala ring mga pag-aalinlangan
Walang pananaw na maaaring bigyan ng katapusan
At mas lalong ang panahon ay hindi sinasayang
Dahil ang bawat sandali ay may kahalagahan

Sa tula ang daigdig ay iyo ring maaangkin
Ang tala at ulap maaari mong kalaruin
Lahat ng bagay na nilagom ng iyong paningin
Ang magarang kasuota’y kaya mong suotin.

Isang tudling ng mga salita ang isang taludtod ng tula
Na may sukat ,indayog at mga salitang patugma
Ang sukat kay Gener,”bilang ng pantig ng mga salita
Sa loob ng isang hati o taludtod kaya.”

Tinatawag na sesura kung ito’y pagtigil ng bahagya
Sa gitnang bahagi ng taludtod may sukat man o wala
Kalipunan ng mga taludtod na karaniwang magkakatugma
 Ay tinatawag naming estropa o saknong ng tula.

Si Lamberto Ma. Gabriel may pagpapakilala sa estropa
Kapag dalawang taludtod lamang tinatawag na kopla
kung ito ay tatlo na Terseto naman ang turing nya
Kwarteto naman sa karaniwang nababasa’t nakikita

May dalawa pang natitira ngayon ay ating alamin
Halina’t pagpapakilala ni Lamberto atin nang kumpletuhin
Kinteto ang tawag kapag estropa ay lilimahin
At  senteto ang tawag kung umabot ng anim.

  Tinatawag na tugma,tunog sa dulo ng taludtod
Sa isang saknong ng tula, magkakahimig ang tunog
May tugmang kung tawagin ay isang karaniwan
at sa tulang Tagalog ay may ganap na tugmaan.

Sa tugmang karaniwan ang tunog ay magkakahawig
Pansin ang iba’t ibang tuldik ng huling pantig
Subalit kung tugmang ganap kapag iyong sinasambit
Ang huli’y magkakatulad sa tunog at  mga tuldik

Sining nang pagbigkas nitong tula, tinatawag na indayog
Nagpapahayag ng damdamin at nagbibigay lugod
Kung gusto mong palitawin,damdamin sa bawat taludtod
Aliw-iw sa pagbigkas isabay mo sa bawat tunog.





Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Tradisyong Pabigkas

Bago pa man dumating ang mga Kastila Yaman ng Panitika’y taglay na nitong bansa Isa nga sa kayamana’y tinatawag na tula May sa anyong pasulat at pasalin-dila Ating bibigyang-pansin ay isang anyo lamang Sa paghahasik ng karunungan, ito ang unang paraan Dahil ang lapis at papel noong nakaraan Ay hindi pa kilala sa balat ng lipunan Kilala nga itong bansa  sa pagkakaroon ng mga makata Na kung saan kahit musmos ay marunong tumula Dahil sa mga Ninuno na siyang humubog at humasa Kung kaya’y produkto ngayon,hindi mabilang na mga akda Itong tradisyong pabigkas nakilala sa kapuluan Sa unang Tulang Tagalog, noong kapanahunan Nahati nga ito sa dalawang katawagan At ito ay patugma at kantahing-bayan. Binubuo ng dalawa  o apat na taludtod Magkaminsan ay may sukat ang dulo’y magkasintunog At ito’y inihalintulad sa mga kasabihan Tinatawag nga sa wikang Ingles na, “Mother Goose Rhymes” Sa paglilibang ng mga paslit sinasabing ito’y nag-ugat Mga salitang tugma-tugma n...

LARO

(Piyesang nagwagi sa isang patimpalak ng talumpati sa anyong panulaan) Isang araw noon, ako’y  ginulantang Nang isang balitang ‘di ko inaasahan Ang lugar kung saan ako nananahan Binulabog ng isang malagim na digmaan Ramdam ko ang takot sa kinatatayuan ko At wari ang lahat,sa isip ko’y gulong-gulo May takot na  baka ang mahal na ina ko Biktima ng karahasang nangyari sa nayon ko Pinilit kong akoy magtungo sa amin Upang aking malaman ang sinapit nya mandin Garalgal kong iginayak, ang lahat sa akin Upang aking malunasan ang kaba sa damdamin Tatlong hakbang  na lang mula sa’king kinatatayuan At sasapitin ko na ang bukas naming pintuan Subalit sa paglapit ay aking nasilayan Ang Ina kong malamig na, ang buong katawan Inay!gumising ka,anong nangyari sayo Sinong gumawa nito,saken ay sabihin mo Di ba sabi mo sakin masaya ka pagbalik ko Pero bakit kay lungkot iniwan mo na ako Anong dahilan nila bakit kayo pinatay Sa dinami-rami ng tao, kayo pa ang idinama...