Pebrero 4 noon nang una kang masilayan
Sa ikalawang palapag ng ating paaralan
Ang tamis ng iyong ngiti ang una kong natagpuan
Na siya ring nagpabago ng aking pakiramdam
Noo’y nagtataka ako sa aking sarili
Kung bakit ‘pag ‘di ka nakita, hindi ako mapakali
Lagi kang hinahanap sa kung saan-saan
Mapagod man ako basta’t makita ka lamang
Dumating ang araw na nakausap kita
sinabi ko lahat ang aking nadarama
Hanggang sa ‘di ko mapigilang mabanggit ko na
“gustong- gusto kita, mahal na yata kita”
Subalit naging madali ang araw na iyon
Sa isang pagtatapat na walang pagkakataon
Ang babaeng mahal ko at gustong makasama
May nagmamahal na sa kanya, may mahal na s’yang iba
Tumigil ang oras para sa akin nang gabing iyon
Na para bang hiniling kong wala na sanang kahapon
Nilunod ako ng luha sa silid kong nakapinid
Dinamdam ko ang kalungkutang hindi ko man lang naisip
Naging mahaba noon ang buo kong magdamag
Na para bang isang araw ang naging isang oras
Tahimik man ang gabi subalit kayraming naririnig
Dahilan upang ako’y hindi lubusang makaidlip
Siya lamang ang babaeng dumating sa buhay ko
Ang babaeng nagpatibok sa matagal nang patay na puso ko
At kahit hindi kami ang para sa isa’t-isa
Si Ms. J lang ang mahal ko, wala ng iba.
Hindi ko inaakalang sa paglipas ng mga araw
Mas lalo akong malulungkot, mas lalo akong manghihina
At kahit sa isipan ko ang lahat ay malinaw
Parang nagiging malabo at ayaw kong maniwala
Subalit naging matapang akoat tinanggap ang lahat
Na hindi ako para sa kanya, hindi sa akin ang lahat
Kaya pinutol ko ang anumang magpapaalala sa akin
Nagdesisyon akong lahat iyon ay aking limutin
Mabilis ang kwento ng pag-ibig kong ito
Ang pag-ibig na minsan sa akin ay nagpatotoo
Ang lahat pala ng bagay kung hindi para sayo
Kahit saan, kahit kailan, walang pwedeng maging KAYO.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento