Bulaklak n’yang tila kaygandang pagmasdan
Kayraming naaakit , kayraming nalilinlang
Sa babaeng natukso na siya ay hawakan
Ang dugo sa palad, dadaloy dahan-dahan
Kunwari’y marikit at mabango ang amoy
Sa kulay n’yang lilang, bulaklak sa kabaong
Ang iyak ng babaeng sa harap ng patay
Kalungkuta’y dala ng taglay n’yang kulay
Kung ika’y mabilis lumakad sa gubat
Sana sa lalakaran ikaw ay mag-ingat
Baka hindi mo mamalayan ang kampon ng bulaklak
Matusok ka sa talampaka’t mag-iwan ng sugat
Siya ay sinadyang likhain ng Diyos
Upang harapin ang kapalaran sa lupain ng mundo
Sa kabutihan n’yang tila walang makakita
Ang tingin ng tao’y, kasamaan ang dala
Isa lamang siya sa tinalikuran ng LAHI
Na ipinagkait ang kaligayahang sa mundo’y mamalagi
Sa sinumang magpasyang sa dahon n’ya ay sumanggi
Ang dahon n’ya’y mahihiya at kusang yuyupi
Sa Batas nitong Buhay, sana lahat ay patas
Ang sinumang nasa baba, nawa sana’y mapaitaas
Sukdulan man ang kasamaan ng kahit sinong nilalang
Sa puso n’ya ay may tuldik ding kabutihan.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento