Lumaktaw sa pangunahing content

Magkasamang Muli

Magkasamang Muli
kinathang tula para sa Iyo,
Sr. Florence, OSB


Hindi sinasadyang ang araw ay dumating,
Na ikaw ay ibigay at aking makapiling,
Isang mukha ng saya at puspos ng kabaitan
Ang lumunas sa aking matinding kalungkutan

Sayo ko natutuhan ang magbigay- halaga
Sa aking paglilingkod sa ating Diyos Ama
Sayo ko natutuhan ang mapayapang pagngiti
Na noo’y ang puso ko’y puno ng paghikbi

Ngayo’y isang taon at ikaw ay lilisan
Tila anong bilis ng taong nagdaan
Mga matang bago pa lang natutuyo sa pighati
Nalulungkot, lumuluha’t ngumigiti sa paghikbi

Kunwari ang damdamin ko’y puno ng pagtanggap
Sa isang sulok nand’on ako at kusang umiiyak
Tumataghoy ang puso ko, nililingkis pa ng hirap
Tinatawag ka ng isip ,ika’y laging hinahanap



Sinisilip ko sa gabi ang mga kislap ng bituin
Naghihintay na may mahulog, upang ako’y makahiling
Dagdagan pa ang masasayang mga araw natin
Nang minsang kapiling ka sa saliw ng awitin..

Sa aking pagtunghay sa lilim ng umaga
Ang paglisan mo palagi ang aking naaalala
Binibidbid ng pagluha ang malamlam kong mga mata
Liwanag nitong paligid, dumidilim kung makita

Hindi ko kayang hadlangan ang iyong pag-alis,
kahit pilitin kong ngumiti, ang puso ko’y tumatangis
ipakita ko man sayo na ako ay tumatawa
pero Sister, damdamin ko’y nauupos ng ligaya

Salamat sa lahat, sa ating pagkakaibigan
Nang dahil po sa inyo, marami akong natutuhan,
Mahirap man tanggapin ang iyong paglisan
Mananatili ka sa aming puso at isipan

Sa hamog ng damong ,kumikimkim ng lamig
Ramdam kong lumulumbay ang gabing taglamig
Sana kung dumating ang araw na magbalik
Magkasama muli tayong sa Diyos ay aawit.

Salamat pong Muli,Sr.  Florence
Sir Chad

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Sining ng Pagtula

Kayraming manunulat sa tula ay nagturan Upang bawat tao sila ay malinawan Subalit sa kabila ng kanilang binitawan Silay bigo pa rin sa mga batayan At halos lahat ng kanilang mga pagpapakahulugan Ay naaayon lamang sa kanilang kaisipan Kaisipang kung paano naging makabuluhan, Nadama at nalikha itong akdang pampanitikan Ayon kay Balmaceda, ang tula’y isang kaisipan Naglalarawan sa ganda, kariktan, at kadakilaan Tatlong bagay na kailangang ito ay mapagtuunan Upang pagtawag sa tula’y maangkin ang karapatan Ang pagtula’y sinasabing isa ring panggagagad Sa pagguhit ,paglililok at pagtatanghal ay nakakatulad Kasangkapa’y mga salitang siyang magiging alagad Sa kabilang daigdig na ang buhay ay sariling pangarap. Ayon pa sa nagturan, ang tula ay panawagan Ng puso at damdaming nakakubli sa karimlan At tanging ang tula ang may kakayahan Na makapagpahayag ng mga nilalaman Walang katapusang pagbibigay ng mga katuturan Sa sinumang nakadarama nitong kagandahan Sa pagkakadib...

Ang Tradisyong Pabigkas

Bago pa man dumating ang mga Kastila Yaman ng Panitika’y taglay na nitong bansa Isa nga sa kayamana’y tinatawag na tula May sa anyong pasulat at pasalin-dila Ating bibigyang-pansin ay isang anyo lamang Sa paghahasik ng karunungan, ito ang unang paraan Dahil ang lapis at papel noong nakaraan Ay hindi pa kilala sa balat ng lipunan Kilala nga itong bansa  sa pagkakaroon ng mga makata Na kung saan kahit musmos ay marunong tumula Dahil sa mga Ninuno na siyang humubog at humasa Kung kaya’y produkto ngayon,hindi mabilang na mga akda Itong tradisyong pabigkas nakilala sa kapuluan Sa unang Tulang Tagalog, noong kapanahunan Nahati nga ito sa dalawang katawagan At ito ay patugma at kantahing-bayan. Binubuo ng dalawa  o apat na taludtod Magkaminsan ay may sukat ang dulo’y magkasintunog At ito’y inihalintulad sa mga kasabihan Tinatawag nga sa wikang Ingles na, “Mother Goose Rhymes” Sa paglilibang ng mga paslit sinasabing ito’y nag-ugat Mga salitang tugma-tugma n...

LARO

(Piyesang nagwagi sa isang patimpalak ng talumpati sa anyong panulaan) Isang araw noon, ako’y  ginulantang Nang isang balitang ‘di ko inaasahan Ang lugar kung saan ako nananahan Binulabog ng isang malagim na digmaan Ramdam ko ang takot sa kinatatayuan ko At wari ang lahat,sa isip ko’y gulong-gulo May takot na  baka ang mahal na ina ko Biktima ng karahasang nangyari sa nayon ko Pinilit kong akoy magtungo sa amin Upang aking malaman ang sinapit nya mandin Garalgal kong iginayak, ang lahat sa akin Upang aking malunasan ang kaba sa damdamin Tatlong hakbang  na lang mula sa’king kinatatayuan At sasapitin ko na ang bukas naming pintuan Subalit sa paglapit ay aking nasilayan Ang Ina kong malamig na, ang buong katawan Inay!gumising ka,anong nangyari sayo Sinong gumawa nito,saken ay sabihin mo Di ba sabi mo sakin masaya ka pagbalik ko Pero bakit kay lungkot iniwan mo na ako Anong dahilan nila bakit kayo pinatay Sa dinami-rami ng tao, kayo pa ang idinama...