Sa tatlong guhit lamang aking sisimulan
Ang obra maestra na aking pinagmulan
Sa kulay ay bigong matutuklasan
Ang hiwaga ng tunay na nararamdaman
Sa tatlong guhit lamang aking bubuoin
Ang mukha ng bagsik ng mundong kay sakim
Na kahit kulayan ay sadyang magdidilim
Sa uhaw na kulay ay may kagat ng talim
Sa tatlong guhit ko lang ito malalaman
Ang tanong na kay hirap mapagliming sagutan
Saan bang bahagi aking matatagpuan
Ang lugar ng tunay na kaligayahan?
Sa tatlong guhit pala ay may pagkasawi
Sa kulungang ang rehas ay pamimighati
May pusong matigas sa pagkukunwari
Kung bahagyang tatakas ay lalong kukubli
Sa tatlong guhit na rin ako magmamahal
Ngunit sa panahong walang makaaalam
Maigting ang pisi sa puso ng lalang
Sa takot na hidwa ang kahihinatnan
Sa tatlong guhit ako madalas tumingin
Sa malayang saya at kislap ng bituin
Sa apat na sulok ay makatlong isipin
Mahirap magbasa kung mahirap unawain
Sa tatlong guhit lamang muling magbabalik
Ang wagas na pag-asa sa hangganan ng sakit
Sa dakong malaya ang di ko maisip
May katotohanan ang isang panaginip
Sa tatlong guhit lamang aking matutunghayan
Ang sandata na aking makakapitan
Ang matuwid ay liko sa likong isipan
Ang tama ay mali sa maling paninindigan
Sa tatlong guhit pala ay walang tahimik
Sa puso'y may kaba, may ligalig ang isip
Magpumiglas ka man bigla ay lalong hihigpit
Ang lubid ng luhang natighaw ng sakit
Darating nga kaya ang aking pagkakamit
Sa laya at saya sa mata ng daigdig?
Sa imahen ng obra na muli kong iguguhit
Sa tatlong guhit lamang iyong masisilip.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento