Gabi nga ay masakit at ang luha’y dumaraan
Ang mukha’y kung iguhit ay malungkot na larawan
May dilim ang paligid na ‘di dilim ng nakaraan.
Darating ba ang bukas na may payapa kay Juan?
Hindi pa man ako nagigising sa aking pagkakaidlip,
Masaya pa ang maglakbay sa munting panaginip,
May ngiti pa ang araw, may naglalarong yagit,
May malaya pang buhay at malayo sa sakit.
Sa sandali na ang buhay ay ang pinakamahalaga
Malasakit ang kailangan at pagmamahal sa isa’t isa
Ang kailangan ng bayan ay ang kalingang madarama
Sa panahong ang pasanin ay may bigat na dala.
Anupa’t may bayaning handang ialay ang buhay
Lumulusob sa laban na walang mukha ng kaaway
Ang sandata ay ang puso ng pagmamahal sa bayan
Kahit ang kapalit ay buhay na mapaparam.
Sa bawat paghihirap na kanilang sinasakripisyo
Ay may gamot ng pag-asa sa bawat Pilipino
May sugat ma’t sakit ang kapiling ng buong mundo
Darating din ang araw na maghihilom ito.
Sa kabila ng pagsubok, sa pagkalam ng tiyan
Ay may bukas na palad na handang magmahal
Ang Pilipino kung tumawid sa peligrong tulay,
Sa pagmamalasakit ay handang mamatay.
Sa bawat araw na kanilang nilulusob ang sakit
ay may buhay na naliligtas sa hukay ng panganib
kahit mahulog sa patibong ngunit dahil sa pag-ibig
ay maligayang maglalakbay sa hagdan ng langit.
Sa isang iglap lamang ay nagulat ang mundo
Hanapbuhay ay nawala, edukasyon ay nagbago,
Puminid ng tahanan at lumayo sa peligro,
Tila batang may pangamba sa aliw-iw ng multo.
Sadyang masakit at may luha ang ating nararanasan
Mahigpit ang tanikalang gumapos sa’ting Bayan,
May pag-asa ang mundo na may araw na daraan,
At muling sisilay ang liwanag ng nakaraan.
Mundo man ay sandaling makukulayan ng itim
May larawan mang iguguhit sa kagat ng dilim
Pagsubok ay hindi takot kundi lakas na aangkinin,
Makulay muli na liliwanag ang bukas na darating.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento