Lumaktaw sa pangunahing content

"Pag-asa ng Pighati"

 

Tahimik lang akong nagmamasid sa isang tarangkahan

Kumakain ng pande regla, umiinom ng palamig na dalandan,

Maya-maya’y lumapat ang butil ng luha mula sa kalangitan

Dala-dala ang ginaw ng  nagsasayang dayuhan.

 

Minasdan ko ang itaas na unti-unting nagngangalit,

Kinukubkob ng itim na ulap ang paraisong langit,

Wari ba’y may darating ngunit hindi  ko pa masilip,

Natitiyak kong ito’y  hadlang at may dalang panganib.

 

Dali-dali akong umuwi, tumakbo nang mabilis

Nang ang hangin ay umihip pasulong at pabalik,

Di maintindihan ang kulog sa kaniyang galit,

May kislap na ang kidlat na nakakasakit.

 

May babala ang karagatan sa ‘di kalayuan

May along ‘di alon sa araw na karaniwan

May bangkang itinatali sa lumang daungan,

At ang gulong sa  mga bubong  ay may kabang tinatangan.

 

Biglang bumuhos ang ulan, biglang umapaw ang tubig,

Nalulunod na ang lupa at sa tubig humahalik,

May sigaw ng kapahamakan, mamatay sa panganib,

May pag-asa ba ang mundo sa ganitong balakid?

 

Narinig ko ang awit ng nagwawalang baha,

Bitbit ang musikong  ngayon lamang kinatha,

Malalim ang titik, malalim na rin ang luha,

Tila naghihintay ng masalimuot at matinding pagluluksa.

 

Mahigpit ang pagdaan, parang hindi pagagapi,

Walang pag-ibig ang bansag, puro sugat at hapdi,

Matapos ang ingay, nag-iwan ng tahimik na paghikbi,

Sa pagkakadapa, paanong babangon muli?

 

Alam kung bawat buhay ay mga suliraning kaakibat,

May magaan na dalahin at may bigat sa balikat,

Minsan kang ngingiti , minsan ka ring iiyak,

At sa bawat panghihina may tatanawin kang paglakas.

 

Maraming bagyo ang katulad ng nararanasan ko ngayon,

May hagupit at pighati ang dala ng kahapon.

May dasal akong hawak at lakas ng loob.

Malalampasan ko ang lahat ng mga pagsubok.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Sining ng Pagtula

Kayraming manunulat sa tula ay nagturan Upang bawat tao sila ay malinawan Subalit sa kabila ng kanilang binitawan Silay bigo pa rin sa mga batayan At halos lahat ng kanilang mga pagpapakahulugan Ay naaayon lamang sa kanilang kaisipan Kaisipang kung paano naging makabuluhan, Nadama at nalikha itong akdang pampanitikan Ayon kay Balmaceda, ang tula’y isang kaisipan Naglalarawan sa ganda, kariktan, at kadakilaan Tatlong bagay na kailangang ito ay mapagtuunan Upang pagtawag sa tula’y maangkin ang karapatan Ang pagtula’y sinasabing isa ring panggagagad Sa pagguhit ,paglililok at pagtatanghal ay nakakatulad Kasangkapa’y mga salitang siyang magiging alagad Sa kabilang daigdig na ang buhay ay sariling pangarap. Ayon pa sa nagturan, ang tula ay panawagan Ng puso at damdaming nakakubli sa karimlan At tanging ang tula ang may kakayahan Na makapagpahayag ng mga nilalaman Walang katapusang pagbibigay ng mga katuturan Sa sinumang nakadarama nitong kagandahan Sa pagkakadib...

Ang Tradisyong Pabigkas

Bago pa man dumating ang mga Kastila Yaman ng Panitika’y taglay na nitong bansa Isa nga sa kayamana’y tinatawag na tula May sa anyong pasulat at pasalin-dila Ating bibigyang-pansin ay isang anyo lamang Sa paghahasik ng karunungan, ito ang unang paraan Dahil ang lapis at papel noong nakaraan Ay hindi pa kilala sa balat ng lipunan Kilala nga itong bansa  sa pagkakaroon ng mga makata Na kung saan kahit musmos ay marunong tumula Dahil sa mga Ninuno na siyang humubog at humasa Kung kaya’y produkto ngayon,hindi mabilang na mga akda Itong tradisyong pabigkas nakilala sa kapuluan Sa unang Tulang Tagalog, noong kapanahunan Nahati nga ito sa dalawang katawagan At ito ay patugma at kantahing-bayan. Binubuo ng dalawa  o apat na taludtod Magkaminsan ay may sukat ang dulo’y magkasintunog At ito’y inihalintulad sa mga kasabihan Tinatawag nga sa wikang Ingles na, “Mother Goose Rhymes” Sa paglilibang ng mga paslit sinasabing ito’y nag-ugat Mga salitang tugma-tugma n...

LARO

(Piyesang nagwagi sa isang patimpalak ng talumpati sa anyong panulaan) Isang araw noon, ako’y  ginulantang Nang isang balitang ‘di ko inaasahan Ang lugar kung saan ako nananahan Binulabog ng isang malagim na digmaan Ramdam ko ang takot sa kinatatayuan ko At wari ang lahat,sa isip ko’y gulong-gulo May takot na  baka ang mahal na ina ko Biktima ng karahasang nangyari sa nayon ko Pinilit kong akoy magtungo sa amin Upang aking malaman ang sinapit nya mandin Garalgal kong iginayak, ang lahat sa akin Upang aking malunasan ang kaba sa damdamin Tatlong hakbang  na lang mula sa’king kinatatayuan At sasapitin ko na ang bukas naming pintuan Subalit sa paglapit ay aking nasilayan Ang Ina kong malamig na, ang buong katawan Inay!gumising ka,anong nangyari sayo Sinong gumawa nito,saken ay sabihin mo Di ba sabi mo sakin masaya ka pagbalik ko Pero bakit kay lungkot iniwan mo na ako Anong dahilan nila bakit kayo pinatay Sa dinami-rami ng tao, kayo pa ang idinama...